Trabaho sa Ibang Bansa

Posted: November 27, 2011 in Uncategorized

Karamihan sa atin pangarap mangibang bansa para magkaroon ng magandang trabaho at matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Alam naman nating lahat kung bakit tayong mga Pinoy ay napipilitang makipagsapalaran sa malayong lugar para kumita diba? Sa kadahilanang walang maibigay na trabaho ang Gobyerno. Swerte ka nalang kung may “backer” ka kung tawagin at yun na ang tulay mo para makapasok ka ng tuluyan sa isang kumpanya o di kaya, swerte ka rin kung kabilang ka sa mga nakapagtapos sa apat na kinikilalang bigatin na  unibersidad ng ating bansa (Maroon, Blue, Green at Yellow) na siyang pinag-babasehan ng ibang kumpanya sa iyong kagalingan at kapasidad para magtrabaho.

Madaya di ba?

Yan ang problema sa atin. Hindi nila alam kung sino at ano ang dapat i-prioritize ng Gobyerno o ng mga malalaking korporasyon. Kaya naman bandang huli, wala tayong ibang magawa kundi ang tahakin ang mahirap na desisyon.

October 2009 ng ako ay nakapagtapos ng aking pag-aaral sa kolehiyo at anim(6) na buwan ang hinintay ko para makatuntong ako ng entablado para sa Graduation March namin. Sa anim na buwan na yun,  madami akong gustong gawin. Unang una na dyan ang makahanap ako ng trabaho. Nag-aapply ako online. Naghihintay ng tawag o emails. At ang resulta? Meron naman akong natanggap na tawag at pumunta din ako ng interview. Pero… wala pa rin talaga. Mahigit isang taon din akong naghintay sa wala. Siguro di lang din ako matiyaga dahil ineenjoy ko yung oras ko na wala akong iniisip.

Dumating ang oras na kailangan ko na talagang kumilos at gumawa ng paraan para magkatrabaho. At eto na nga, nasagot ang mga panalangin ko.

December 2010 nung ako ay lumipad patungong Dubai, UAE. Halo-halo ang emosyon na naramdaman ko nung araw ng pag-alis ko. Malungkot, kabado pero excited dahil makakasama ko naman ang mahal ko doon (na nauna sa akin ng isang buwan).

Dumating ako ng matiwasay at maayos sa Dubai. Masaya at nakakapanibago ng konti. Kahit na medyo ala-Riyadh din naman ang dating, kung saan ako nag-aral ng High School. Unang araw ko pa lang, hanap na ako agad ng trabaho sa internet. Sabi nga nila mahaba pa daw ang oras ko. Kung visit visa ka dito, dapat sulitin mo yung bawat minuto mo dahil ang oras mo dito nauubos at pera rin ang katumbas nun. Ibig kong sabihin, sa bawat oras na maaaksaya mo, parang nawaldas mo na rin yung pera na ginamit mo para makatuntong ka sa bansang ito. Pero di rin maiwasan na tamarin ka sa isang araw lalo na kung wala kang natatanggap na sagot. Kalimitan naman dito sa “online” na dumedepende pero ako, sumubok din ako sa “walk-in”.

Lumipas ang December at January… wala pa rin. Pagpatak ng February, gahol na ako sa oras. Yun na yung last chance ko kumbaga. Bilang na ang mga araw ko dahil extended na yung visa ko ng isang buwan pa at yun na ang huli.

At dumating na nga yung araw na hinihintay ko. Tinawagan ako ulit ng isang kumpanya na nag-interview na sa akin. Pinag-training na ako at under observation pa daw ako. Makalipas ang tatlong araw, nilakad na nila ang papeles ko. Nag-umpisa ako ng trabaho ko walong araw bago matapos ang visit visa ko. Laking pasasalamat ko talaga at nakahabol ako. :) Answered prayer ang lahat!

Eto na nga ako, may trabaho na. Pero pakiramdam ko may kulang pa rin. Ang tagal ko rin nahirapan sa bagong buhay na tinahak ko. Bago ang lahat. Bagong tao, bagong lugar. Unang trabaho ko ito kaya mahirap din ang mag-adjust lalo na kung galing ka sa pagiging bum. Isa pa, araw-araw di mo maiwasan na isipin ang mga taong naiwanan mo sa Pilipinas. Nakakamiss. Nakakamiss ang lahat sa Pilipinas. Gusto ko na nga umuwi agad ng mga panahon na yun pero hindi pwede dahil may kontrata na ako sa kumpanya ko. Kung aalis man ako, kailangan kong bayaran lahat ng nagastos nila. Kaya wala pa rin akong takas, kailangan kong magtiis.

Lumipas ang mga araw at buwan unti-unti na rin akong nasasanay. Buti na lang at andito rin ang mahal ko, mga ibang kamag-anak at mga kaibigan para bigyan ako ng lakas ng loob.

Pero ano nga ba talaga ang meron sa lugar na ito at hanggang ngayon eh di ko pa rin lubos mawari kung bakit wala yung kasiyahan ko dito. Di ako masaya. Di ko maramdaman ang sarili ko dito. Ang lagi ko lang iniisip ay ang pagbalik ko sa Pilipinas. Na kaya ko pang magtiis hanggang dumating ang araw na pwede na akong magpaalam para magbakasyon. Pero di pa rin ganun kadali ang lahat. It takes time ika nga. Kailangan pa rin magdesisyon ng mabuti bago gumawa ng aksyon dahil baka bandang huli pagsisihan ko na naman.

Sa siyam (9) na buwan ko na sa kumpanya ko, madami na rin akong natutunan. Lalo na at iba’t ibang lahi ang kasama ko sa trabaho. Ang GM ko ay isang Pana. Ang lahi nila nagkalat dito. Halos sila na nga lang ang makikita mo dito eh. Parang teritoryo nila ang UAE. Bibihira mo nalang makita ang mga lokal. Halos sa lahat ng kumpanya, sila ang makikita mong naghahari. Kaya naman di mo maiwasan ang kayabangan ng karamihan sa kanila. Kahit ano pa ang posisyon nila sa trabaho, pare-pareho sila ng ugali. Sabi nga dun sa Matilda na palabas, “You are small, I am big. You are wrong, I am right. And there’s nothing you can do about it.” Ganun ang tingin nilang lahat sa sarili nila. Hindi sila nagkakamali. Sila lang ang tama. At kung magkamali man sila, ikaw ang sisisihin nila. Babaliktarin ka pa nila. Isa pang naobserbahan ko sa kanila, wala silang isang salita. Oo lang ng oo pero di naman tinutupad ang mga sinasabi. Magaling lang silang mambola talaga.

Naalala ko pa nung mga unang buwan ko, lagi sinasabi sa akin ng boss ko, “Time is money” kapag pinapagalitan niya ako dahil hindi daw ako nag-uupdate ng mga clients namin. Anong gagawin ko? Kung wala pa namang approval ang mga customers diba? Gusto kasi nila dito, madalian ang pera. Pero sila, di naman nila inaayos ang trabaho nila. Tanggap sila ng tanggap ng trabaho, pero di nila alam kung paano asikasuhin at panindigan. Sa kasalukuyan nga, ang dami naming proyekto na nakatengga. Ang daming reklamo. At sino ang sasalo ng mga reklamo na yun? Di ako. Ako ang magpapaliwanag at ako na rin ang gagawa ng paraan para lang ipaalala oras-oras, araw-araw sa boss ko na kailangan namin tapusin ang mga trabaho na yun. At the end, wala pa rin.

Sugapa rin ang mga tao dito. Hangga’t maaari i-uutilize ka nila. Multi-tasking ang trabaho mo. Ako ngayon dito, ang job offer sa akin ay Secretary cum Accountant, tinanggap ko. Di nagtagal, naging Secretary cum Accountant cum Quantity Surveyor cum Engineer cum Office Administrator cum Receptionist. Kung iisipin, hindi sapat ang sahod na tinatanggap ko para gawin ang lahat ng mga ito. Tapos kadalasan pa uuwi ako ng late at walang bayad ang O.T. ko na yun. Kung di man ako uuwi ng late dahil sa trabaho, maghihintay naman ako sa Driver namin para i-park ang sasakyan dito at kukunin ko ang susi sa kanya, ayos diba? Ireklamo mo man ito sa kanila, sasabihin nila sayo gagawan nila ng paraan pero makakalimutan din naman nila o baka sadya lang din.

Tayo kasing mga Pinoy, sa sobrang kabaitan at lawak ng pag-iisip hinahayaan nalang natin sila. Kaya inaabuso din nila tayo kasi alam nilang di tayo papatol. Pero may limitasyon din naman ang lahat. Di sa lahat ng oras sila ang magwawagi. Sabi nga ng kasamahan ko dito, nasa ibang bansa kasi tayo, kailangan natin maging matino at magbigay respeto sa kanila.

Kung sahod naman ang pag-uusapan, grabeng late na kung ibigay. Madalas 2nd week mo pa matatanggap yung iba nga, 3rd week pa. Buti nalang may back up ako. Kung siguro mag-isa lang ako dito sa Dubai, matagal na akong tigok at gumive up. Pera naman namin yun. Pinaghirapan namin pero bakit pahirapan pa rin para kunin diba? Eto nga hinihingi ko na ang increase ko. Nakalimot na nga ng tuluyan. Nung ipinaalala ko ulet, lagi ang sagot “I don’t have change. I’ll give tomorrow.” Kahit nga yung credit para sa bus card ko di ri nila maibigay ang balanse ko. Sa tutuusin obligasyon naman nila yun dahil sagot nila ang transpo ko. Pero kung hihingin mo yung pera na yun sabihin pa sayo “I gave you already”. Grabe talaga. Magigipit ka talaga dito sa Dubai lalo na kung maliit lang ang sahod mo. Paano pa kaya yung iba na tumatanggap lang ng halos Dhs. 700.00 o di kaya Dhs. 1,000.00. Ang mahal ng mga bilihin dito. Pagkain palang ubos na ang pera mo. Ni di ka na nga makabili dito ng bagong damit o kung anuman. Basta priority dapat ang pagkain. Ang iba nga dito, nagpapart time job pa para may pangdagdag sa gastusin. At yung iba, kapit nalang sa patalim. Maraming ganyan dito dahil ayaw nilang mapahiya sila sa pamilya nila. Yung iba naman, kapag nabigo, nagpapakamatay dahil sa kahihiyan.

Dito, di uso ang gala kung wala kang sasakyan. Kung di man nakakatamad lumabas, wala ka namang budget kaya stay at home nalang at manood ng movies. Kadalasan 6 days ang pasok dito. Yung iba 2 days off. Pero ako, isang araw lang kaya di mo rin maramdaman. Pag off ko, tulog hanggang ala una tapos, maglalaba, makikipag-skype sa Pinas. Mamaya, gabi na naman at bukas papasok na naman sa trabaho. Ganun ang takbo ng buhay dito sa Dubai. Ang akala ng iba madali ang buhay pag nasa ibang bansa ang di nila alam nagpapakahirap din tayo dito. Sabi ko nga sa sarili ko, alam ko na kung ano ang pakiramdam ng mga magulang ko noon.

Oo nga at may trabaho ako ngayon. Ang tanong, masaya ba ako sa kinalalagyan ko? Sa totoo lang, HINDI. Wala sa puso ko yung ginagawa ko. Kumbaga, for the sake of working and being paid nalang ang ginagawa ko. For the sake of my time here. Mahirap kumawala syempre dito lalo na at wala ako sa sarili kong bansa. Mahirap kumilos ng basta basta. At kung may katigasan ang ulo mo, pulis ang makakatapat mo.

Di ko man maipaliwanag kung bakit hindi ako masaya dito, ang alam ko lang, sa PILIPINAS ang lugar ko. Doon ako masaya. Kahit pa mahirap ang buhay sa atin, nakakayanan. Kasi alam mong komportable ka sa sariling bansa mo. Makakagalaw ka ng maayos sa sarili mong bahay at walang ibang taong pwedeng manita sayo dahil ikaw ang may-ari nun. Ikaw ang may karapatan. At sa oras ng kagipitan, lahat naman nagtutulungan, meron kang matatakbuhan. Sigurado ako dyan. Doon, kahit tuyo o itlog lang ang kainin mo, kuntento kana basta’t kasama mo sa hapag kainan ang mga mahal mo sa buhay.

Sa totoo lang, ang sabi ko sa sarili ko noon hindi ako pupunta dito sa Dubai dahil halos lahat na ng kamag-anak ko ay nandito na. Dapat kako sa ibang lugar naman ako pero anong nangyari? Dito rin ako bumagsak.

Ang tanging pwede kong gawin nalang ngayon ay maghintay na maubos ang oras ko. Na lumipas ang buwan ng mabilis ng sa ganun, pwede na akong magdesisyon. Madami pa rin kasing dapat isipin kaya di pa rin ito madali para sa akin.

Alam ko, hindi lang ako nag-iisa. Marami dyan sa atin ang nakakaranas ng ganito. Tahimik man sila, nakangiti man sila pero sa likod ng mga yun, ang daming hinanakit na nakatago. Kailangan lang natin maging matatag at malakas ng sa ganun, di tayo biglang bumagsak pababa. Kakayanin hangga’t kaya. Lalaban tayo hangga’t may pag-asa. Sa Diyos tayong lahat aasa sapagkat Siya lang ang makakatulong sa atin sa lahat ng ating mga problema.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s